"Para sa Isang Dakilang Nanay"
"Efeso 6: 1-3 -- Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, alang-alang sa Panginoon sapagkat ito ang nararapat. Igalang ninyo ang inyong ama at ina, ito ang uang utos na may kalakip na pangako. Ganito ang pangako, ikaw ay giginhawa at lalawig ang iyong buhay dito sa lupa."
Tunay na napakasarap at napakahirap maging ina. Hindi sapat ang isang araw na ibinibigay natin sa ating mga ina tuwing sasapit ang ikalawang linggo ng Mayo (Mother's Day) upang ipakita ang pagpapahalaga sa kanila. Ang pagiging ina ay isang pinakamahirap na gawain sa mundo at walang anumang halaga ng salapi ang sasapat upang mabayaran ang hirap na napagdadaanan nila sa pagtupad ng mga responsibilidad na kaakibat nito. Malakaing responsibilidad ang maging isang ina, tunay ngang hindi isang birong gawain. Buhay ang kailangang hubugin ng mga magulang. Anuman ang mangyari sa buhay na ipinagkatiwala sa kanilang mga kamay, mabuti man o masama, ang pananagutan ng magulang ay hindi sa tao, kundi sa Diyos.
Si Nanay, saan ko ba ikukumpara? At paano ko ipapaliwanag ang mabubuting bagay na natutunan ko sa kanya? Si Nanay ay isang mabait na ina, masipag, maalalahanin. Isang martir, matiisin at higit sa lahat isang inang maka-Diyos.
Isang mabait na ina -- kapag kaming mga anak niya ay nakakagawa ng pagkakasala, imbes na magalit at paluin kami, sinasabihan lang kami na huwag nang uulitin ang mga pagkakamali at ni minsan ay di ko siya nakitang nakipag-away sa kapwa tao.
Isang masipag na ina -- lagi niyang inaasikaso ang pangangailangan ng kanyang mga anak, tulad ng pagluluto ng pagkain, paglalaba ng damit, at paglilinis ng bahay. At kung panahon ng anihan naroon sa bukid, kundi man nagtitinda ng kakanin, nag-aani ng palay. Marami pang ibang bagay siyang ginawa para lang kumita upang makatulong sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Isang maalalahaning ina -- lagi niyang iniisip ang aming kalusugan. Huwag makikitang matamlay ang kalagayan ng sinuman sa kanyang mga anak, nariyan agad siya at nagtatanong kung ano ang nararamdaman namin. Nang ang mga anak ay nagkaroon ng kani-kanilang pamilya, lagi siyang may oras upang bisitahin ang bawat isa, para alamin ang kalagayan at pangangailangan namin. Hindi niya hahayaan na makaranas ng pagtitiis ang sinuman sa kanyang mga anak nang hindi siya mag-iisip ng pamamaraan para makatulong.
Isang inang martir at matiisin -- nakamulatan ko na sa mga magulang namin ang pagiging matulungin. Si Tatay, kahit maraming obligasyon sa amin, pag may lumapit at humingi ng tulong kahit isakripisyo ang pangangailangan ng sariling pamilya, tutulong at tutulong siya. Si Nanay naman ay laging nakasuporta sa mga desisyon ni Tatay, kahit tiisin niya ang kakapusan para sa sariling pangangailangan. Siya iyong ina at asawang hindi mapaghanap ng mga materyal na bagay mula kay Tatay. Matiyaga niyang pinagsisinop kung anong mayroon siya at kung anong kayang ibigay ni Tatay para sa pamilya. Kaya naman nang matuto na kaming magkakapatid na maghanap-buhay at nagsimulang kumita, binahagian namin si Nanay para magkaroon naman ng katugunan ang kanyang pagsasakripisyo at pagtitiis at upang patuloy siyang magtiwala sa Diyos na kailan ma'y hindi nagpapabaya.
Isang inang maka-Diyos -- si Nanay, maliit pa kami ay itinuro na sa amin ang pagiging maka-Diyos sa isip sa salita at sa gawa. Una, laging manalangin araw-araw, iyan ang daily exercise namin. Tinuruan niya rin kaming magkaroon ng banal na takot sa Diyos. Lagi niya kaming pinaaalalahanan na huwag kaming gagawa ng mga bagay na labag sa Diyos, laging iiwasang magsalita ng makakasakit ng damdamin ng kapwa, na huwag mag-isip ng masama para lang sa pansariling interes.
Ganyan si Nanay. Ilan lamang iyan sa mga bagay na natatandaan ko sa buhay niya. Marami pang ibang maiinam na katangian meron si Nanay na kulang ang aking kakayahan sa pagsulat at pananalita upang sapat na mailarawan ang kanyang katauhan. Alam kong higit pa sa pagiging isang mabait, masipag, maalalahanin, martir, matiisin at maka-Diyos na ina ang kanyang naipakita at naibahagi sa aming kanyang pamilya at sa mundong ito. Higit pa sa mga bagay na naisulat ko. Salat sa pananalita, salat sa panulat, ngunit ang nalalaman ko mula sa aking puso, si Nanay ay DAKILA at tunay na ipinagmamalaki ko noon, ngayon at kailan man!
BELATED HAPPY MOTHER'S DAY
&
HAPPY BIRTHDAY NANAY!!!
Your son,
Benjie
No comments:
Post a Comment